Marbil

25 dependents ng mga pulis na nasawi sa labanan dependents ng BPFI

Alfred Dalizon May 28, 2025
31 Views

DALAWAMPU’T-LIMANG dependents ng mga pulis na napatay sa labanan ang naging scholars na ng Bayaning Pulis Foundation, Inc. (BPFI) nitong Martes matapos ang isang seremonya na dinaluhan ni Philippine National Police chief, General Rommel Francisco D. Marbil.

Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang PNP, sa pakikipagtulungan sa BPFI ay nagbigay ng tulong pang-edukasyon sa 25 na mga dependents ng mga PNP personnel na “killed in police operations” (KIPO).

Ang seremonya na ginanap sa Meridian Innovation Center, West Tower Double Dragon, sa Pasay City, ay isang makulay na pag-alala sa mga sakripisyo ng mga pumanaw na bayani at isang pangako ng tuloy-tuloy na suporta para sa kanilang mga pamilya.

“Araw-araw, ang ating mga pulis ay humaharap sa tungkulin nang may tapang sa puso at serbisyo bilang misyon. Ang ilan sa kanila ay hindi na makakauwi. Sa likod ng bawat pangalan na ating ginugunita ay isang kwento ng kabayanihan—mga magulang, mga kapatid, mga anak, na ang huling sakripisyo ay naging kalasag para sa iba,” ayon sa Hepe ng Pambansang Pulisya.

Ipinahayag ni Gen. Marbil ang matatag na pangako ng PNP na alagaan ang mga pamilya ng kanilang mga pumanaw na kasamahan.

“Ngayon, hindi lang natin sila inaalala, kundi tinutulungan din natin ang mga pangarap na kanilang iniwan. Sa pamamagitan ng PNP-Bayaning Pulis Foundation Educational Assistance Program, layunin nating parangalan ang alaala ng ating mga KIPO personnel hindi lamang sa mga salita kundi sa mga konkretong aksyon,” kanyang paliwanag.

“Ang tulong na ito ay higit pa sa pinansyal—ito ay isang tanda ng walang katapusang pasasalamat at pangako ng PNP na hindi makakalimot,” dagdag pa niya.

Ang seremonya ay dinaluhan din nina BPFI chairperson, Ambassador Benedicto V. Yujuico, at BPFI president, retired Police Brigadier Gen. Noel A. Baraceros na nagsilbing katuwang ng PNP sa pagpapalaganap ng programang ito para sa mga karapat-dapat na dependents.

Sa kanyang mensahe, pinaalalahanan ni Gen. Marbil ang mga scholar na ang tapang at dedikasyon ng kanilang mga magulang ay patuloy na mabubuhay sa kanila.

“Kayo ang liwanag na patuloy na magbibigay sigla mula sa kanilang sakripisyo. Nawa’y magsilbing inspirasyon ang suportang ito sa inyong mga pangarap. Nawa’y maging mas malakas ang inyong determinasyon,” aniya. “Ang PNP ay maaaring mawalan ng mga kasamahan sa laban, ngunit hindi namin kailanman pababayaan ang kanilang mga pamilya.”

Ang Educational Assistance Program ng Bayaning Pulis Foundation ay nagsisilbing pag-asa para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa linya ng tungkulin. Isang paalala ito na ang kabayanihan ay hindi natatapos sa sakripisyo, kundi nagpatuloy sa pamamagitan ng suporta na ibinibigay sa mga pamilya ng mga pumanaw na bayani.

Ang PNP ay patuloy na nagsisilbing katuwang upang tiyakin na ang pamana ng mga bayani ay magpapatuloy sa pamamagitan ng edukasyon at tagumpay ng kanilang mga dependents, ayon sa PNP chief.