Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong

25 pang kongresista gustong pumirma sa impeach VP Sara


Mar Rodriguez Feb 6, 2025
11 Views

BUKOD sa 215 kongresista, mayroon pang 25 miyembro ng Kamara de Representantes na nais na pumirma sa ikaapat na impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado.

Humarap sa media sina Deputy Majority Leader Lorenz Defensor, Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong, at 1-RIDER Party-list Rep. Rodrigo Gutierrez isang araw matapos na maihain ang impeachment case laban kay Duterte.

Ayon kay Adiong, hindi naisama ang 25 mambabatas dahil wala ang mga ito sa Kamara ng magkapirmahan. Nagpahabol na lamang umano ng verification documents upang pirmahan ang reklamo.

Kung papayagan ng proseso ang pagtanggap ng karagdagang complainants, aakyat sa 240 kongresista o mahigit 75% ng kabuuang bilang ng mga miyembro ng Kamara ang lumagda sa reklamo.

Ipinunto ni Gutierrez na habang matagal nang pinag-uusapan ang impeachment, ang mga naunang reklamo ay hindi nakalikha ng sapat na momentum upang makuha ang kinakailangang suporta upang mabilis na umusad.

“Admittedly, it’s a long time coming po. Kami, bawat kongresista, bagamat napag-usapan na ang impeachment, nabuo na rin ang opinyon mula sa mga pagdinig ng Quad Comm at ng Good Government Committees,” aniya.

“Pero ang unang tatlong (impeachment complaints) ay hindi nakalikha ng konsensus, hindi nito nakuha ang momentum na kailangan. Bagamat karamihan sa mga kongresista, lalo na ang mga miyembro ng Justice Committee, ay naghihintay nang magampanan ang aming mandato sa pagdinig nito, naniniwala akong pinag-isipan na ng mga lider ng partido ang paghahanap ng konsensus sa tatlo,” dagdag ni Gutierrez.

Binigyang-diin naman ni Defensor ang kahalagahan ng mga konsultasyon ng partido – tulad ng ginawa sa mga miyembro ng Kamara mula sa Lakas-CMD, Partido Federal ng Pilipinas (PFP), National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP), iba pang partido, at Party-list Coalition Foundation, Inc. (PCFI) – sa pagpapalakas ng kaso ng impeachment.

“Ano mang partido ang kinabibilangan ng mga miyembro ng Kamara, nagkaroon ng konsultasyon, at isinasaalang-alang ang tatlong naunang impeachment complaints. Nakabuo ng mas matatag at mas klarong impeachment complaint na nagkamit ng suporta at kumpiyansa ng mga kongresista,” paliwanag niya.

“Kaya nga sa ikaapat na impeachment complaint na ito, kung saan mas malinaw ang presentasyon ng ebidensya, nabigyan nito ng kumpiyansa ang mahigit 200 o 215 na kongresista upang kumilos bilang complainants.”

Binigyang-diin ni Adiong na walang ibang opsyon ang mga mambabatas kundi kumilos sa impeachment complaints na bahagi ng kanilang mandato sa ilalim ng Konstitusyon.

“Simula po nung tumanggap tayo ng mga complaints, tatlo pong impeachment complaints… wala pong choice ang miyembro ng House of Representatives kundi bigyan pong pansin itong complaints na ito dahil ito ay nasa saklaw ng aming konstitusyunal na mandato,” aniya.

Inihayag din ni Defensor na matagal nang nagaganap ang mga konsultasyon ng partido simula pa nang isampa ang unang impeachment complaint.

“As far as party consultations are concerned, it’s been ongoing since the first impeachment complaint has been filed,” sabi niya.

“Internally, depende sa partido, depende sa kanilang approach kung magtatanong sila internally kung may pabor ba sa impeachment, ano ang klase ng impeachment ang nararapat.”

Binanggit ni Defensor na ang ikaapat na impeachment complaint ay binuo sa mas malawak na konsensus ng mga mambabatas.

“That is why nabuo itong fourth impeachment complaint where there is a consensus of more than 200 members who signed kasi mas malinaw itong impeachment complaint at mas matatag ang paglatag ng mga articles of impeachment.”