Calendar
’27 P300.96B DOTr budget aprubado ng House
INAPRUBAHAN ng House of Representatives ang 2027 P300.96 bilyong panukalang budget ng Department of Transportation (DOTr) at mga attached agencies nito matapos magkasundo ang mayorya at minorya na tapusin ang plenary deliberations noong Huwebes.
Ayon kay Kalihim Giovanni Lopez, ang naturang budget ay nakatuon sa pagpapabilis, pagpapalakas, at pagpapabuti ng pampublikong transportasyon upang maibsan ang pasanin ng mga mananakay.
“Muli po akong nagpapasalamat sa buong Kamara sa kanilang suporta,” ani Lopez.
Binanggit ni Northern Samar 2nd District Rep. Edwin Ongchuan na ang budget ay hindi lamang para sa imprastruktura kundi para sa mas inklusibong paglago at mas maayos na mobilidad ng mga Pilipino.
Iginiit ni Akbayan Partylist Rep. Percy Cendaña na ibalik ang pondo para sa mga programang tinanggal sa National Expenditure Program (NEP) kabilang ang P1.7 bilyon para sa EDSA Busway, P5 bilyon para sa Service Contracting Program at P5 bilyon para sa Fuel Subsidy Program.
“Ang triple zero na ito ay parang sampal sa ating mga mananakay. Zero support para sa commuters at transport sector kung hindi maibabalik ang budget ng mga programang ito,” ani Cendaña.
Nakababahala ang kawalan ng pondo para sa Philippine Road Safety Action Plan na may panukalang P111.29 milyon gayong ang road crashes ay nangungunang sanhi ng pagkamatay ng kabataan edad 15–29, ayon kay Cendena.
Binanggit din ni Cendaña na ang malaking bawas sa pondo para sa right-of-way acquisition ay maaaring magdulot ng dalawang taong delay sa implementasyon ng Metro Manila Subway Project at North-South Commuter Railway.
Nanawagan si Sec. Lopez sa Kongreso na ibalik ang orihinal na panukalang pondo ng DOTr upang hindi maantala ang mga proyektong makikinabang ang milyun-milyong komyuter sa buong bansa.

