DMW Source: DMW FB post

290 OFWs sa Lebanon ligtas na nakauwi ng PH

Jun I Legaspi Oct 26, 2024
77 Views

ALINSUNOD sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ilikas ang mga Pilipino “sa anumang paraan” sa gitna ng kaguluhan sa Gitnang Silangan, agad na kumilos ang Department of Migrant Workers (DMW), katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA), at nag-charter ng isang flight upang ligtas na maiuwi ang 290 overseas na Pilipino mula Lebanon.

Dumating sa bansa ang 290 Pilipino — na kinabibilangan ng 233 overseas Filipino workers (OFW) at 13 dependents, at 21 OFs at 23 dependents — lulan ng flight MYW9071 na lumipad mula Lebanon.

Sa kanyang ulat sa Pangulo, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na inayos ng DMW, DFA at ng Embahada ng Pilipinas sa Ankara, Turkiye, ang isang chartered na flight mula Beirut papuntang Maynila, na may stopover sa Doha, Qatar, upang matiyak na ang mga Pilipino sa Lebanon ay mailalayo sa panganib.

“The Philippine Embassy and the Migrant Workers Office (MWO) in Lebanon work hand-in-hand with the host government to facilitate travel documents for Filipinos to join this flight,” pahayag ni Cacdac.

Pinuri rin ni DFA Secretary Enrique Manalo ang kooperasyon ng dalawang ahensya at ipinaliwanag na nakuha ang chartered flight sa tulong ng Embahada ng Pilipinas sa Ankara.

“We remain committed to the task at hand,” saad ni Manalo.

Bilang tugon sa tumitinding tensyon sa Lebanon, inatasan ni Pangulong Marcos Jr. ang DMW at iba pang mga kasapi ng gabinete na gamitin ang mga mapagkukunan at kagamitan ng gobyerno upang maiuwi ang mga manggagawang Pilipino mula Lebanon.

Sa pagdating ng 290 Pilipino nitong Sabado, umaabot na sa 903 OFW repatriates at 47 dependents ang naiuuwi simula Oktubre 2023.

Ang DMW, MWO at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang nag-aasikaso sa mga kinakailangang dokumento ng mga OFW, kasama ang mga awtoridad ng host country at tumutulong sa pagkain, tirahan at transportasyon habang naghihintay ng iskedyul ng repatriation.

Bukod dito, kasalukuyang nagbibigay ng pangangalaga ang MWO sa 69 na Pilipino na naninirahan sa mga shelter sa Beirut, na tinitiyak na natatanggap nila ang pagkain at iba pang pangangailangan.

“We stand ready to assist those who are willing to be repatriated. We are encouraging OFWs to avail of the voluntary repatriation program. And sa pag-uwi nila, a whole-of-government approach ang nakahanda, as directed by the President, with unprecedented financial assistance and other forms of support under the Bagong Pilipinas,” dagdag ni Cacdac.

Ang DMW, sa pamamagitan ng AKSYON Fund nito, ay magbibigay ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P75,000 sa bawat repatriate, at karagdagang P75,000 mula sa OWWA at P20,000 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Samantala, ang Department of Health (DOH) ay nakahandang magbigay ng libreng medikal na konsultasyon at psychological first aid sa mga repatriates.

Ang DMW, sa pamamagitan ng National Reintegration Center for OFWs, ay tutulong rin sa mga repatriate na magtayo ng sariling kabuhayan o makahanap ng alternatibong trabaho, dagdag pa ang libreng skills training vouchers mula sa Techincal Education and Skills Development Authority (TESDA).