Bersamin1

3 bagong miyembre ng Gabinete itinalaga ni Pangulong Marcos

40 Views

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tatlong bagong opisyal at pinanatili ang tatlong kasalukuyang miyembro ng Gabinete bilang bahagi ng patuloy na performance review para sa mga matataas na opisyal ng ehekutibong sangay ng pamahalaan.

Ayon kay Executive Secretary Lucas P. Bersamin, kabilang sa mga bagong talagang opisyal ay si Solicitor General Darlene Marie Berberabe, na pumalit kay Menardo Guevarra; at si Police Major General Nicolas Torre III bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) kapalit ni Police General Rommel Marbil, na magreretiro sa Hunyo 2.

Si Berberabe, na dekana ng UP College of Law, ay nanumpa sa tungkulin kay Pangulong Marcos nitong Huwebes.

Itinalaga rin bilang bagong Kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) si Jose Ramon Aliling, na nanumpa rin kay Pangulong Marcos sa parehong araw.

Samantala, pinalitan din ni Commissioner Shirley Agrupis si Prospero De Vera III bilang bagong Chairperson ng Commission on Higher Education (CHED).

Nanatiling Gabinete

Pormal namang kinumpirma na mananatili sa puwesto ang mga sumusunod na miyembro ng Gabinete:

Gilberto Teodoro – Kalihim ng Department of National Defense (DND)

Jesus Crispin Remulla – Kalihim ng Department of Justice (DOJ)

Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla – Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG)

Pagsusuri ng mga Opisyal

Ayon kay Bersamin, seryoso ang Pangulo sa pagrepaso ng mga performance ng mga opisyal.

“Mula pa noong simula, malinaw ang naging mensahe ng Pangulo — hindi lang sa taas ng pamahalaan ang tinitingnan kundi pati ang mga ahensya, mga sistema, at ang kalidad ng serbisyo publiko sa aktwal na antas,” ani Bersamin sa press briefing sa Malacañang.

“Naghihintay ng resulta ang mamamayan. Wala pong pasensya ang Pangulo sa underperformance,” dagdag pa niya.

Bukod sa mga opisyal ng Gabinete, inatasan din ng Pangulo ang mga presidential advisers, pinuno ng mga ahensya, at mga pinuno ng Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) na magsumite ng kanilang courtesy resignations.

Sinabi ni Bersamin na lahat ng matatanggap na resignation ay ibabatay sa maingat na pagsusuri kung naabot ng isang opisyal ang mga pamantayang itinakda ng Pangulo para sa kahusayan at pamumuno.

“Paalala lamang — ito ay bahagi ng pangako ng Pangulo na magkaroon ng isang gobyernong mabilis kumilos, may konkreto at epektibong resulta, at nakakatugon sa inaasahan ng taumbayan,” ani Bersamin.

“Gaya ng paulit-ulit na binibigyang-diin ng Pangulo, hindi siya magdadalawang-isip na gumawa ng kinakailangang pagbabago upang mapanatiling umuusad ang pamahalaan.” PCO