Calendar
3 biktima ng ‘bitbit’ nasagip sa NAIA
NAHARANG sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) noong Agosto 26 ang babaeng nagtangkang magpuslit ng tatlong Pilipino papuntang Cambodia para magtrabaho sa scam hub.
Kasama ng suspek na si alyas Rosa ang kanyang 4-anyos na na anak at isang 23-anyos na babae nang maharang sa NAIA.
Dalawa pang indibidwal—isang lalaki at isang babae na may edad 24 at 27—ang napag-alamang kasama rin sa biyahe.
Ayon sa BI Commissioner Joel Anthony Viado, nahuli ang suspek sa “bitbit” scheme, kung saan sinasamahan ng illegal recruiter ang kanyang mga biktima sa airport para magmukhang lehitimong biyahero.
“Nakakalungkot na ginamit pa ng babae ang kanyang anak upang magmukhang lehitimo ang biyahe,” sabi ni Commissioner Viado
Ang tatlong biktima ay umamin na patungong Cambodia upang magtrabaho bilang customer service representatives.
Nakita nila ang alok sa trabaho online, at si alyas Rosa ang nag-asikaso ng kanilang biyahe.
Samantala, iniulat ng BI ang pag-uwi sa bansa ng pitong Pilipino na napilitang magtrabaho sa mga scam hub sa Cambodia.
Dumating sila noong Agosto 31 sakay ng Philippine Airlines mula Phnom Penh. Binubuo sila ng apat na lalaki at tatlong babae.
Ni-recruit online ang 7 at umalis bilang mga regular na turista. Tatlo sa kanila ay nagkunwaring magkaibigan na magbabakasyon.
Ikinuwento nila na pinilit silang maging scammers kasama ang mga manggagawa mula sa Africa, Bangladesh at Pakistan.
Target ng kanilang operasyon ang mga Amerikano at Fil-Am, at sila ay sinasaktan kapag hindi naabot ang quota.

