Drugs

3 drug suspek timbog sa Taguig

Edd Reyes Sep 19, 2025
364 Views

LAGLAG sa kamay ng mga parak ang mga drug suspek na nasilaw sa P50,000 alok ng nagpanggap na buyer noong Huwebes sa Taguig City.

Umabot sa 150 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.02 milyon ang nakumpiska ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) acting director P/BGen. Randy Arceo kina alyas Jay, 33; Michael, 18; at Archie, 20, sa buy-bust dakong alas-8:40 ng gabi sa isang apartelle sa Brgy. Ususan.

Ayon kay P/Col. Robert Baesa, acting district director for operations ng SPD, ilang linggong tiniktikan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) at District Intelligence Division (DID) ang aktibidad ni alyas Jay dahil palipat-lipat ng lugar sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Nagkaroon lang ng pagkakataon ang pulisya na makalawit ang suspek nang tanggapin ang alok ng pulis na nagpanggap na buyer ng shabu na dahilan ng pagkakakumpiska sa mahigit P1 milyong halaga ng ilegal na droga.

Kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act) ang isasampa kina alyas Michael at Archie sa Taguig City Prosecutor’s Office.