Calendar
3 kalaboso sa Rizal; halos P387K, baril nakumpiska

RODRIGUEZ, RIZAL — Kalaboso noong Martes ang tatlong tinaguriang High Value Individuals (HVI) matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu at isang baril sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Golden Leaf Village, Barangay San Isidro ng bayang ito.
Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na Daniel, Ronski at Mar, ayon sa mga humuling tauhan ng Rodriguez Municipal Police Station, katuwang ang PDEA matapos ang isinagawang surveillance.
Nasakote ang tatlo matapos bentahan ng hinihinalang shabu ang isang operatiba na nagpanggap bilang poseur buyer.
Saksi ang isang Barangay Kagawad at kinatawan ng media.
Narekober mula sa kanila ang walong piraso ng heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na nasa 56.94 gramo at nagkakahalaga ng P387,192; markadong pera, caliber 45 mm pistol na may tatak na COMMODORE na may serial number na SC12093243; magazine at tatlong bala para sa nabanggit na baril, coin purse at isang berdeng belt bag.
Agad ding binasa sa mga suspek ang kanilang mga karapatang konstitusyonal sa sandali ng pag-aresto.
Sumailalim sa drug test at laboratory examination ang tatlo kasama ang mga nakumpiskang ebidensya, bago tuluyang ikulong sa Rodriguez Police Custodial Facility.
Patong-patong na kaso ang isasampa laban sa tatlo para sa paglabag sa Seksyon 5 at 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

