Sunog

3 patay, 3 sugatan sa sunog sa Navotas

Edd Reyes May 14, 2026
94 Views

TATLO ang nasawi, kabilang ang 27-anyos na buntis, habang tatlo ang nasugatan sa sunog na naganap Huwebes ng madaling araw sa Navotas City.

Bukod sa babaeng buntis, nakita rin ang magkapatong na bangkay ng 14-anyos na dalagita at siyam na taong gulang na batang babae, na pawang na-trap sa loob ng kanilang tirahan nang sumiklab ang sunog pasado alas-3:00 ng madaling araw sa L. Santos St. Manalaysay, Barangay Tangos South.

Dinala naman sa pinakamalapit na pagamutan ang tatlo pang katao na pawang nagtamo ng mga paso sa katawan matapos tangkaing bumalik sa kanilang nasusunog na bahay upang isalba ang kanilang mga gamit.

Naging pahirapan ang pagresponde ng mga bumbero dahil sa masikip na kalsada kaya’t naitaas ang sunog sa ikalawang alarma dakong alas-3:59 ng madaling araw bago nakontrol ng alas-5 ng umaga.

Inaalam naman ng mga arson investigators ang pahayag ng mga residente na jumper ang pinagmulan ng sunog matapos unang nakita ang pagliyab ng mga sala-salabat na kawad hanggang tumawid na ang apoy sa mga kabahayan.

Nasa 10-kabahayan ang naabo habang 20-pamilya ang naaapektuhan na pansamantalang nanunuluyan sa Brgy. Tangos-South Covered Court kung saan sila pinadalhan ni Mayor John Rey Tiangco na mainit na pagkain at mga pangunahing pangangailangan.