Biyo

3 Pinoy teams wagi sa international science competitions

245 Views

Tatlong Philippine team ang nag-uwi ng mga medalya sa mga kompetisyon na kanilang sinalihan ngayong buwan ng Hulyo.

Nag-uwi ng tatlong bronze medal at isang merit citation ang mga delegado ng bansa sa 33rd International Biology Olympiad (IBO) na isinagawa sa Yerevan, Armenia mula Hulyo 10-18.

Nanalo ng bronze medal sina Chiara Bernadette Z. Tan-Gatue ng Saint Jude Catholic School, Raven Glorianne H. Foronda ng Philippine Science High School (PSHS) Main at Yosef Alexander O. Segotier ng PSHS – Western Visayas. Si Liam Audrey A. Alleda ng PSHS – Calabarzon ay nabigyan naman ng merit citation.

Ito ang pinakamaraming medalyang naiuwi ng Pilipinas mula ng sumali sa IBO noong 2018.

Nanalo naman sina Aames Juriel B. Morales, ng De La Salle University Senior High School at Ron Angelo A. Gelacio ng PSHS – Main ng bronze medal sa 54th International Chemistry Olympiad (IChO) na ginanap sa Tianjin, China noong Hulyo 10-18.

Honorable mention naman ang mga kasama nilang sina Anne Maricar T. Maralit ng PSHS – Main at Lemuel A. Acosta ng PSHS – Central Luzon.

Nag-uwi naman sina Franco Mari Cabral at Harold Scott Chua, kapwa tala PSHS-Main, ng bronze medal at honorable mention sa ika- 52nd International Physics Olympiad (IPhO) na ginaganap online noong Hulyo 10-17. Kasama rin sa team si Gabriel Angelo Vila ng PSHS – Calabarzon.

“It is indeed a beautiful sight to see our students wave the banner of Filipino excellence in the international scene,” sabi ni DOST-SEI Director Josette Biyo.

“Our students are strong contenders in the academic arena and DOST-SEI will definitely continue to give full support to enable students to showcase their best in international Olympiads.”