Acidre

3 priority bills nina ex-Speaker Romualdez aprubado na sa House com on basic educ

Mar Rodriguez Feb 24, 2026
149 Views

INAPRUBAHAN na sa House Committee on Basic Education and Culture ang tatlong priority bills na inihain nina dating House Speaker at kasalukuyang Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez at TINGOG Party List Reps. Jude Acidre at Yedda Marie K. Romualdez.

Sinabi ni dating Speaker Romualdez na ang isinulong nilang panukalang batas ay mahalagang hakbang sa pagtugon sa lalong lumalalim na krisis sa edukasyon ng bansa kabilang dito ang kakulangan ng mga silid-aralan.

Layunin ng tatlong panukala na tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan, ang pagbagsak ng resulta ng pagkatuto ng mga estudyante at ang estruktural na kahinaan ng sistema ng senior high school.

Nangunguna sa mga inaprubahang panukala ang Classroom-Building Acceleration Program Act sa ilalim ng House Bill No. 5577 na nagpapahintulot sa mga local government units na magtayo ng silid-aralan sa kanilang lugar sa pakikipag-ugnayan nito sa Department of Education (DepEd).

Ayon naman sa Congressional Commission on Education (EDCOM II), nahaharap ang Pilipinas sa kakulangan ng mahigit 165,000 silid-aralan na nagdudulot ng siksikan klase at nagkakaroon ng double o triple shift ang mga estudyante.

Layunin ng CAP na palawakin ang kakayahan ng pamahalaan sa paghahatid at pabilisin ang pagtatayo ng isang ligtas at sapat ng mga silid-paaralan at ang pagtatayo ng karagdagang pasilidad sa mga pampublikong paaralan.

Inaprubahan din ng Committee on Education na pinamumunuan ni Pasig City Lone District Roman T. Romulo ang Education Pathways Act sa ilalim ng House Bill No. 4248 upang muling ayusin ang edukasyon ng mga magtatapos ng junior high school.