Sangla

3 sangla-tira tirador arestado sa Muntinlupa

Edd Reyes Sep 11, 2024
108 Views

TIMBOG sa entrapment operation ng pulisya ang tatlo katao, kabilang ang dalawang babae at isang dating pulis na sangkot sa sangla-tira modus, Martes ng hapon sa Muntinlupa City.

Kaagad pinosasan ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete sina alyas Alec, 28, alyas Cristina, 48, at ang dating pulis na si alyas Daniel, 36, nang tanggapin ang markadong salapi sa pulis na nagpanggap na kumagat sa isinasanglang bahay ng mga suspek sa Sucat sa naturang lungsod.

Ikinasa ng mga tauhan ng SPD District Special Operation Unit (DSOU) ang entrapment operation dakong alas-3:00 ng hapon sa isang restaurant sa Brgy Poblacion, Muntinlupa matapos maghain ng reklamo ang pitong na-budol ng mga suspek sa isinasanglang bahay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, isasangla ng mga suspek sa kanilang mga biktima ang bahay ng mula P200,000 pataas, kumporme sa kanilang mga transaksiyon habang pinapauhan sa ibang tao at ang upa ang magiging garantiya na mababayaran ang interes.

Ang hindi batid ng mga biktima, hindi lang sila, kundi isinasangla rin ng mga suspek sa ibang tao ang bahay kaya’t ayon sa pulisya, aabot sa mahigit P10 milyon na ang natatangay ng tatlo sa kanilang mga nabu-budol.

Sinabi ni Rosete na nakumpisa sa naturang operasyon sa mga suspek ang markadong bungkos ng salapi na may nakapaibabaw ng P1,000 genuine bill, tatlong orihinal na kontrata sa pagbebenta ng lupa, dalawang acknowledgement receipts na may kabuuang halagang P500,000, ID cards, mobile phones at gamit nilang Mitsubishi Expander na nakarehistro kay alyas Cristina habang nakumpiska naman sa dating pulis ang kalibre .9mm Glock na pistola.

Napagalaman na nahatulan na sa kasong BP 22 o bouncing check law si alyas Alec sa Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 101 ng Valenzuela City kung saan pinagbabayad siya ng multang P400,000 at P1,000,000 bilang pananagutang sibil.

Inihahanda na ng mga imbestigador ng SPD-DSOU ang pagsasampa ng mga kasong large scale o syndicated estafa laban sa mga suspek sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office.