Calendar
3 senador nagtangkang pumigil sa paglagda sa flood report
SINABI ni Senador Erwin Tulfo na tatlong senador ang nagtangkang pumigil sa kanya na lagdaan ang partial report ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y iregularidad sa flood control projects noong siya ay vice chairman pa ng panel.
Sa panayam sa Usaping Senado sa DWIZ, sinabi ni Tulfo na kabilang sa mga senador na kumuwestiyon sa kanyang pasya na lumagda sa report ang isang babae at dalawang lalaki.
“Tatlo sila. Isang babae at dalawang lalaki,” ani Tulfo.
“Yung babae, kinumpronta ako at inirapan pa ako nung dinepensahan ko ang pirma,” dagdag niya.
Sinabi ni Tulfo na kinuwestiyon ng mga senador ang kanyang pasya na suportahan ang report na inihanda sa ilalim ng pamumuno ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, na chairman noon ng Blue Ribbon Committee.
Aniya, lumagda siya sa report dahil naniniwala siyang dapat mailagay sa rekord at maaksyunan ng Senado ang mga findings na nakalap ng komite.
“Gusto ko talaga magkaalaman kaya ako pumirma sa Blue Ribbon ni Senator Ping,” ani Tulfo.
Sinabi rin ni Tulfo na ipinarating umano sa kanya na malalagay sa alanganin ang ilang kasamahan kung uusad ang report.
“Kasama natin kawawa,” ani Tulfo, na tinutukoy ang umano’y ipinarating sa kanya.
Ngunit sinabi ni Tulfo na hindi niya maaaring balewalain ang mga findings na nakalap ng komite.
“Hindi ko naman pwedeng ipikit-pikit,” ani Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na nakakuha ang partial report ng pitong lagda, kabilang ang kanya, ang lagda ng kanyang kapatid na si Senador Raffy Tulfo, si Lacson at apat pang senador.
“Sabi ko, nakakahiya sa tao,” ani Tulfo, na tumutukoy kay Lacson na nanguna sa mga pagdinig at naghanda ng report.
Nauna nang sinabi ni Lacson na kailangan ng partial report ng hindi bababa sa siyam na lagda bago ito mai-sponsor sa plenaryo, kung saan maaari itong pagdebatehan, amyendahan at tuluyang pagtibayin.
Hindi umabot ang pitong lagda sa bilang na kailangan para sa plenary sponsorship.
Bagama’t hindi umabot sa kinakailangang bilang ng lagda ang report, kalaunan ay iniharap ni Lacson ang laman ng findings sa pamamagitan ng privilege speech noong Mayo 5.
Sinabi ni Lacson na inilagay ng privilege speech sa opisyal na rekord ang findings at rekomendasyon mula sa mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y iregularidad sa flood control projects.
Dahil sa disclosure ni Tulfo, sinabi ni Lacson na sinuportahan nito ang kanyang pananaw kung bakit hindi umusad ang partial report.
“Thank you Sen. Erwin for speaking the truth to confirm what I had thought all along was the real reason — why the partial report was left to go stale and become spoiled. Where do you go from here, Philippine Senate?” pahayag ni Lacson sa isang post sa X.

