Arestado Iniharap ng NBI ang mga naarestong suspek sa entrapment sa Tondo, Manila.

3 sex trafficking suspek nakorner sa entrapment; 23 biktima nasagip

Jon-jon Reyes Nov 15, 2024
71 Views

INARESTO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) ang tatlong indibidwal sa entrapment sa Tondo, Manila na sangkot umano sa sex trafficking at nasagip ang 23 biktima na menor-de-edad ang 11.

Nakatanggap ang NBI-NCR ng impormasyon tungkol sa sex trafficking sa lugar na kinasasangkutan ng mga may edad 13 hanggang 17.

Nahuli sa operasyon sina Anne Monalissa Sigua Co alyas Monalisa, Raven Paul Dayrit Sanchez alyas Raven at isang alyas Pearl.

Nag-aalok ng mga babae ang mga suspek sa pamamagitan ng Messenger, Viber at Telegram sa halagang P8,000 hanggang P15,000.

Nagsagawa ng entrapment ang mga operatiba ng NBI-NCR sa isang resort sa Brgy. 171, Tondo kung saan naka-reserve si alyas Anne na siyang subject sa operasyon para sa isang party.

Umabot sa 23 mga biktima ang nasagip at 11 ang napag-alamang menor de edad, ayon sa ginawang pagsusuri ng NBI-Odontology Division.

Ang mga biktimang nasa hustong gulang kusang-loob na nagsagawa ng sinumpaang salaysay na nagkukumpirma sa human trafficking ng mga nabangit na mga suspek.

Iniharap para sa inquest proceedings sa Manila City Prosecutor’s Office para sa paglabag sa RA 9208 (Expanded Trafficking in Persons Act of 2012), RA 7610 (The Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation at Discrimination Act) at RA 11930 (Anti-Online Sexual Abuse o Exploitation of Children and Anti Child Sexual Abuse o Exploitation Materials Act) ang mga naaresto.