Calendar
3 transport groups kinuwestyon pagpapatupad ng NCAP
KINUKUWESTIYON ng tatlong grupo ng transportasyon ang reimposition ng Non-Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Manila, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Muntinlupa at San Juan dahil mayroon pang nakabinbing Motion for Reconsideration kaugnay ng pagpapatupad nito.
Ayon kina ALTODAP President Boy Vargas, Pasang Masda President Obet Martin, at ACTO President Liberty De Luna, dapat munang hintayin ang pinal na desisyon ng Korte Suprema bago muling ipatupad ang NCAP.
Kinuwestiyon ng mga organisasyon ang NCAP noong 2022 dahil umano sa kawalan ng malinaw na batayan sa umiiral na batas, paglabag sa due process at ilang probisyong itinuturing nilang hindi makatwiran para sa mga operator ng public utility vehicles.
Bagama’t ibinasura ng Korte Suprema ang kanilang petisyon noong Hunyo, sinabi ni Vargas na bahagi pa rin ng proseso ang Motion for Reconsideration na inihain nila noong Agosto 5.
“Hindi po ako abogado, subalit ang pagkakaintindi ko sa batas ay hindi muna ito dapat ipatupad dahil mayroon pang apela ang aming grupo tungkol sa usaping ito,” ani Vargas.
Samantala, sinabi ni Martin na kumonsulta siya sa kanilang abogado matapos malaman ang muling pagpapatupad ng NCAP ng ilang LGU.
“Ang paliwanag po sa atin ay wala naman pong nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema na final and executory na ang dismissal ng aming petisyon.
Mayroon pa po kaming karapatan na maghain ng Motion for Reconsideration at sumusunod po kami sa proseso ng batas tungkol dito,” aniya.
Batay sa press briefer ng Korte Suprema, ang pagbasura sa mga petisyon ay hindi nangangahulugang napatunayang valid ang mga kinukuwestiyong NCAP issuances.
“Our dismissal of the Petitions is confined to the determination that petitioners failed to overcome threshold issues, and that the supervening adoption of a uniform regulatory framework has rendered the Petitions moot,” ayon sa desisyon.
Nakatakdang ipatupad muli ang NCAP sa anim na LGU simula Oktubre 5.
Gumagamit ito ng CCTV, digital cameras at iba pang teknolohiya upang maitala ang mga paglabag sa trapiko nang hindi kinakailangang parahin ng traffic enforcer ang mga motorista.
Samantala, nanawagan si De Luna sa mga LGU na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng NCAP habang hinihintay ang pinal na desisyon ng Korte Suprema.
“Ang aming hanay ay taus-pusong umaapela sa mga mayor ng limang LGU na bigyan po sana ng pagkakataon na magkaroon ng pinal na desisyon ang Korte.
Nakahanda po kaming sumunod sa kung ano ang sabihin ng Korte Suprema na dapat nang ipatupad ito.
Pero dahil wala pa naman pong desisyong ganito, nakikiusap po ang aming hanay ng respeto sa proseso, at respeto rin po sa hanay ng pampublikong transportasyon,” dagdag niya.
