Calendar
3 Tsino arestado sa shabu, di lisensyadong baril
TIMBOG ang tatlong Chinese national dahil sa hindi lisensyadong baril at ilegal na droga matapos ang maikling habulan noong Huwebes sa Paranaque City.
Nabisto ang ilegal na gawain ng mga suspek na sina alyas Zhenhua, 30; alyas Zhi, 29; at alyas Miu, 26, nang matiyempuhan ng mga tauhan ng Tambo Police Sub-Station na nagpapalit ng plaka ng dalawa nilang sasakyan dakong alas-7:58 ng umaga sa Brgy. Tambo.
Nagpulasan ng takbo ang tatlong dayuhan nang mapansin ang papalapit na mga pulis pero isa-isa rin silang nasukol matapos ang maikling habulan.
Nakuha kina alyas Zhenhua at alyas Zhi ang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P394,000 at nakuha kay Zhenhua ang kalibre .38 pistol at limang bala.
Nasamsam naman kay alyas Miu ang isang .9mm Taurus pistol, 10 bala at pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P120,000.
Anim na iba’t-ibang plaka ng sasakyan, mga gamit sa paglalagay nito, posas at pala ang nakuha rin ng pulisya sa sasakyan ng mga suspek na nagpalakas sa hinala sa sangkot sila sa iba’t -bang uri ng krimen.
Patung-patong na mga kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o resistance and disobedience to a person in authority, Sections 11 at 12 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act), R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at RA 4136 (Land Transportation and Traffic Code) ang isasampa laban sa mga nadakip na Tsino.