Chinese

3 Tsinoy kalaboso sa panggugulpi, pangnanakaw sa kababayan

Edd Reyes Aug 27, 2024
39 Views

KALABOSO ang tatlong Chinese nationals na umano’y nambugbog at nagnakaw sa kanilang kababayan noong Lunes sa Pasay City.

Inaresto ng mga tauhan ni Pasay Police Chief P/Col. Samuel Pabonita sina alyas Shipeng, 32; alyas You Liang, 36; at alyas Hai Tao, 29, sa building sa Brgy. 5 pero naka-eskerda ang biktimang si alyas Chenghuan, 25.

Sa ulat ni Col. Pabonita kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, puwersahan umanong dinala ng mga suspek ang biktima sa naturang residential building at doon ginulpi at pilit na ipinalipat ang P310,000 na pera sa kanilang account gamit ang Alipay, WeChat Pay at Tether USDT cryptocurrency.

Nabola ng biktima ang mga kababayan kaya’t nakapuslit at nakahingi ng tulong sa mga security personnel dakong alas-8:40 ng gabi na silang namang humingi ng tulong sa Pasay Police Sub-Station-1 kaya natiklo ang mga suspek.

Nabawi ng mga pulis sa mga suspek ang dalawang folding knives at cellular phones na ginamit sa paglilipat ng salapi ng biktima sa kanilang sariling account.

Iniharap na sa piskalya ng Pasay City ang mga dayuhan para sa inquest proceedings kaugnay sa isasampang kasong robbery with physical injury.