BOC

3,200 karton ng orange naharang dahil sa aktibong kolab ng BOC, DA

78 Views

BUNSOD ng epektibong kolaborasyon ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) ay naharang ang iligal na pagpasok sa bansa ng 3,200 karton ng imported na orange na nagkakahalaga ng P8.422 milyon.

Ang shipment ay galing umano sa Thailand at ipinasok sa pamamagitan ng Manila International Container Port (MICP).

Nabatid na wala umanong import sanitary clearance mula sa Bureau of Plant Industry ang mga imported na orange.

Bukod sa kuwestyunable kung ligtas itong kainin, ang mga imported orange na walang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) ay maaari umanong magdulot ng panganib sa local ecology ng bansa.

Ang mga nakumpiskang orange ay isasailalim sa condemnation proceedings alinsunod sa DA Department Order No. 09, series of 2010, upang masiguro na hindi maibebenta sa lokal na merkado ang mga ito.

Ang kaso ay ipinadala rin sa Bureau Action Team Against Smuggling para sa case build-up at paghahain nhg reklamo laban sa nagtangkang iligal na ipuslit ang mga orange sa bansa.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa pangako ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio na tutulungan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos na labanan ang smuggling, protektahan ang kalusugan ng publiko at ang lokal na mga industriya

Nangako ang BOC at DA na ipagpapatuloy ang maigting na ugnayan nito upang maharang ang mga produkto na tatangkaing ipuslit sa bansa.