Calendar
35 Pilipino seafarers na biktima ng human trafficking sa Namibia South Africa nailigtas ng OFW Party List Group
INIHAYAG ngayon ng Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes na 35 Filipino Seafarers na biktima ng human trafficking sa Namibia sa South Africa ang kanilang nailigtas matapos nilang tulungan ang mga ito na makabalik ng Pilipinas.
Sinabi ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na sinalubong nila ang tatlumpu’t limang (35) repatriated Filipino Seafarers mula sa Namibia, South Africa. Kung saan, kabilang sa mga sumalubong ay sina Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. Eduardo De Vega at iba pa.
Ayon kay Magsino, inilahad ng mga Filipino Seafarers na pinagta-trabaho umano sila bilang mga mangingisda sa Namibia. Habang nakararanas din ang mga ito ng paglabag sa kanilang kontrata na katumbas ng human trafficking. Kabilang na dito ang pagkakasangkot ng kanilang barko sa illegal fishing.
Nabatid pa sa kongresista na bukod sa mga paglabag na ito na kinasasangkutan ng employer ng mga Filipino Seafarers. Hindi rin umano ibinibigay ng buo ang kanilang suweldo. Kung saan, dahil hindi ito naibibigay ng buo, nangangahulugan lamang na mababa din ang natatanggap nilang “exchange rate”.
“Matindi ang pinagdaanan ng 35 natin mga kababayan sa kanilang pinagta-trabahuhan sa Namibia. Humingi sila ng tulong sa ating tanggapan at dahil sa tulong ng ating mga kaibigan sa media ay agad kaming nakipag-usap kay Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Toots Ople,” sabi ni Magsino.
Ipinaliwanag ni Magsino na nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang DMW sa recruitment agency na may hawak sa 35 Pilipinong Tripulante para alamin kung lumabag ang ahensiya sa karapatan ng mga nasabing OFW’s na nagdala sa kanila sa Namibia ng walang kaukulang dokumento.
Inihayag ng mga Filipino Seafarers na nagpunta sila sa nasabing bansa ng walang “working visa” at kumukubra ang kanilang amo sa kanilang kita. Bukod pa dito ang sapilitang pagkakasangkot nila sa mga illegal na gawain.