Calendar
4-car train set isasabak ng MRT-3 sa isang buwang libreng sakay
HANDA na ang Metro Rail Transit 3 (MRT-3) sa pagbibigay ng libreng sakay simula sa Lunes, Marso 28.
At isasabak ng MRT-3 ang kanilang train set na mayroong apat na bagon tuwing peak hours upang mas maraming pasahero ang maisakay, ayon kay MRT-3 OIC General Manager Michael Capati.
“Ready na ang MRT-3 sa libreng sakay kaya ita-trial na ang 4-car train sets na kayang magsakay ng 1,576 passengers per train set sa lahat ng istasyon ng MRT-3 mula North Avenue hanggang Taft Avenue,” sabi ni Capati.
Kadalasan ay tatlong bagon lamang mayroon ang isang train set. Dahil sa rehabilitasyon ng sistema maaari ng bumiyahe ang mga tren na may apat na bagon.
“Handog pasasalamat ito ng DOTr at MRT-3 at para mas marami pa ang maengganyo na sumakay sa MRT-3 at maranasan ang mas maganda, mas malinis, mas malamig at mas maayos na biyahe. Ayuda rin ito sa mga pasahero sa gitna ng mataas na presyo ng krudo at pandemya,” dagdag pa ni Capati.
Matapos ang rehabilitasyon kaya na umanong magsakay ng 300,000 hanggang 400,000 pasahero kada araw ang MRT-3.