Sextortion Source: PNP-ACG/PIA

4 miyembro ng LGBTQ inaresto sa ‘sextortion’

330 Views

ARESTADO ang apat na miyembro ng LGBTQ community matapos umanong kikilan at takutin ang isang Chinese national, kapalit ng hindi paglalabas sa social media ng umano’y malaswang video ng biktima.

Sa ulat, naganap ang entrapment operation bandang alas-11:50 ng gabi ng Pebrero 23 sa tapat ng isang condominium building sa Barangay Santo Cristo, Quezon City.

Ang biktima ay isang 23-anyos na negosyanteng Chinese national.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek na edad 18, 20 at 21 taong gulang.

Batay sa imbestigasyon ng Police Station 15 ng Quezon City Police District, personal na nagtungo sa himpilan ang biktima upang ireklamo ang umano’y pagbabanta at pangingikil sa kanya ng P30,000, kapalit ng hindi pagkalat ng sensitibong video sa social media.

Dahil dito, agad nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek at pagkakarekober ng marked money na P30,000 mula sa mga suspek.

Nabatid din sa imbestigasyon na nauna nang nakuhanan ng mga suspek ang biktima ng P80,000 noong Pebrero 21.

Inihahanda na ng pulisya ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek.