Sunog

4 na kelot, 3 bebot sugatan sa nasunog na 3-story building sa Makati

Edd Reyes Oct 5, 2025
390 Views

APAT na lalaki at dalawang babae ang nasugatan sa sunog na tumupok sa tatlong palapag na residential-commercial na gusali sa Makati City madaling araw ng Linggo.

Kabilang ang may-ari ng gusali na si Jr Balano sa mga nasugatan nang tumalon, kasama ang iba pa, mula sa ikatlong palapag ng gusali matapos mabigong makababa bunga ng malakas na lagablab ng apoy mula sa una at ikalawang palapag.

Nagsimula ang sunog dakong alas-12:33 ng madaling araw sa naturang gusali sa Washington Street, Barangay Pio Del Pilar. Itinaas sa ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula pasado alas-2 na ng madaling araw.

Aminado ang mga tauhan ng Makati Bureau of Fire Protection (BFP) na nahirapan silang apulahin kaagad ang apoy nang hindi sila makapasok sa loob ng gusali, dahil nakakandado ang pintuang bakal ng hardware na nasa unang palapag.

Nadamay din sa sunog ang bahay ng isang Ivy Mendoza na nakalabas kaagad ng tirahan, bitbit ang isang taong gulang na pamangkin, nang simulang dilaan ng apoy ang kanilang tirahan.

Umabot sa may 40 pamilya ang naapektuhan ng naturang sunog na karamihan ay pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng Brgy. Pio Del Pilar, kung saan sila kaagad na hinatiran ng mainit na pagkain at pangunahing pangangailangan ng barangay at lokal na pamahalaan.

Hindi kaagad natiyak ang kabuuang halagang natupok ng apoy, habang iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog.