Kuyog

4 na miyembro ng pamilya na-selda sa pagkuyog sa mag-ina

Edd Reyes Jun 19, 2025
20 Views

Kuyog1KALABOSO ang apat na miyembro ng isang pamilya nang pagtulungang saktan ang mag-ina na nagmamay-ari ng isang punerarya sa Pasay City.

Kinilala ni Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto ang mga inarestong suspek na sina alyas “Jereeko”, 26, “Jimelle”, 22, “Jeannine”, 25, at “Eleanor”, 53, na ilang oras ding nagkanlong sa loob ng kanilang bahay sa Arnaiz Avenue, Brgy. 66 matapos tumangging sumuko.

Napilitan lamang lumabas ng kanilang tirahan ang magkaka-anak dakong alas-11:30 ng gabi nang dumating si Col. De Sesto, kasama ang mga tauhan ng Special Weapon and Tactics (SWAT) Team.

Bago nangyari ang pananakit, sumiklab ang sunog sa likurang bahagi ng Veronica Funeral Homes na pinamamahalaan ng mag-inang sina alyas “Rhino” at “Ma’am Baby” Martes ng pasado alas-5 ng hapon na kaagad naapula makaraan ang halos isang oras.

Habang pinapakain ng mag-ina ang mga fire volunteers na tumulong sa pag-apula ng apoy, lumapit si alyas Jeanine at binuhusan ng tubig si Ma’am Baby.

Nang tangkaing mamagitan ni Rhino, kinuyog siya nina Jereeko at Jimuelle na dahilan ng pagtatamo ng sugat sa ulo habang kinuha naman ni Eleanor ang iPhone 16 Pro Max cellphone ng ginang na nagkakahalaga ng P105,000 at binalibag sa semento na dahilan ng pagkawasag nito.

Nahaharap ang apat na magkaka-anak sa kasong attempted homicide, malicious mischief at unjust vexation sa Pasay City Prosecutor’s Office.