Pasay

4 na nagka-cara y cruz nasakote; 1 may boga

Edd Reyes Oct 20, 2024
11 Views

APAT na suspek na nagsusugal, kabilang ang isa na may dalang baril, ang natimbog noong Sabado sa Pasay City.

Nakilala ang mga natiklo na sina alyas Darwin, 34; alyas Nonoy, 42; alyas Mico, 29; at alyas Rodolfo, 26.

Naaktuhan ng mga pulis ang apat habang abala sa pagsusugal ng cara y cruz sa tabi ng karinderya sa Ilang-Ilang St., Brgy. 187, Zone 20, dakong ala-1:30 ng madaling araw.

Nang isa-isang kapkapan, nakuha kay alyas Darwin ang kalibre .22 na revolver, dalawang bala habang nakumpiska sa lugar ang P600 na taya at tatlong pisong barya na ginagamit bilang pangara.

Nangako ang mga pulis na paiigtingin pa nila ang kampanya laban sa ilegal na sugal sa Southern Metro area.

Nahaharap ang apat na sugarol sa kasong paglabag sa P.D. 1602 (Illegal Gambling) habang karagdagang kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang isasampa laban kay alyas Darwin sa Pasay City Prosecutor’s Office.