BI Source: Bureau of Immigration

4 na nagtangkang iligal na magtrabaho sa Qatar naharang ng BI sa CIA

Jun I Legaspi Aug 26, 2024
100 Views

NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark International Airport (CIA) ang apat na biktima ng trafficking na nagtangkang iligal na magtrabaho sa Qatar.

Batay sa ulat ng BI’s immigration protection and border enforcement section (I-PROBES), unang sinabi ng mga biktima na mga lalaki na magbabakasyon sila sa Singapore.

Gayunman napansin ng mga opisyal ng immigration ang mga magkasalungat na pahayag ng mga ito at ni-refer sila sa pangalawang inspeksyon.

Sa panayam, inamin ng mga biktima na na-recruit sila ng isa nilang kasama, na nangako sa kanila ng trabaho bilang hairdresser at massage therapist sa Qatar na may buwanang suweldo na P15,000 hanggang P25, 000.

Iginiit ng kanilang kasamang lalaki na siya mismo ay na-recruit ng isang Dubai-based recruiter at nag-imbita lang siya ng tatlo pang kaibigan na sumama.

Humingi umanon ang kanilang recruiter ng P10,000 para sa pagproseso ng kanilang mga dokumento.

Ayon sa kanila, pinayuhan sila na magpanggap bilang mga turista at magbabakasyon sa Singapore.

Una nang nagbabala si BI Commissioner Norman Tansingco sa mga indibidwal na umiiwas sa mga inspeksyon ng Immigration sa pamamagitan ng pagkukunwaring mga turista.
“Attempting to bypass immigration clearance through deceptive means is illegal and highly risky,” saad ni Tansingco.

“Such schemes are not new and are persistently used by traffickers. Our officers are well-trained to detect and prevent these fraudulent activities, including recognizing fake stories and itineraries to persuade immigration officers,” dagdag ng opisyal.

Ang apat ay inirefer na sa CIA inter-agency council against trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon.