Gapan Source: PNA file photo

4 na ‘repair men’ nagtangkang nakawan cell site, sabit sa parak

Steve A. Gosuico Jun 4, 2025
25 Views
Gapan1
Source: PNA file photo

GAPAN CITY – Arestado ang apat na lalaking sakay ng pick-up truck sa umano’y insidente ng tangkang pagnanakaw matapos na puwersahang pumasok sa loob ng cell site property at magpakilalang mga umano’y repair men para magsagawa ng physical audit sa lugar noong Lunes ng gabi dito.

Sinabi ni City police head Lt. Col. Joel M. Dela Cruz na nangyari ang umano’y break-in sa cellsite na pag-aari ng telecom infra company na Frontier Tower Associate Philippines Inc., sa Bgy. Marelo dakong 3:45 p.m. dito.

Lumabas sa imbestigasyon na puwersahang sinira ng mga suspek ang lock ng gate ng cell site para makapasok sa lugar.

Kinilala ang apat na suspek na isang 30-anyos na lalaki, isang telecommunications expert, isang 21-anyos na construction worker; at dalawang 18-anyos, na pawang mga residente ng Alauli, Bgy. San Vicente, Apalit, Pampanga.

Sapilitang pinasok ng mga ito ang lugar sakay ng Toyota Hilux 2.4L 4 x 2 pick-up truck na may plate number na CAT-6388.

Naalerto ang mga awtoridad sa nangyaring break-in nang humingi ng saklolo si DITO Telecom area supervisor Frederick Licayen, 46, ng Bgy.Anonas, Angeles City, Pampanga dahilan para rumesponde ang mga pulis at maaresto ang mga suspek.

Ayon sa pulisya, ang mga suspek ay nasa lugar upang magsagawa umano ng pag-audit sa antenna, gayunpaman sa pag-verify sa pamunuan ng FTAP, nakumpirma na walang ganoong awtorisasyon ang ginawa para sa anumang inspeksyon o transaksyon sa mga oras na iyon.

Napag-alaman din na ang sasakyan ay may hit dahil sa pagkakasangkot sa nakaraang cellsite robbery incident sa Sta. Maria, Bulacan.

Sinabi ni Dela Cruz na ang mga naarestong suspek ay nakakulong sa detensyon at nahaharap sa kaukulang kasong kriminal.