Shabu

4 nasakote sa P1.5M na shabu

Edd Reyes Nov 12, 2024
26 Views

NASAKOTE ng mga pulis ang apat na pinaghihinalaang tulak, kabilang ang isang dating sundalo, at nasamsam sa kanila ang mahigit P1.5 milyon na halaga ng shabu noong Lunes sa Paranaque City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, dakong alas-8:05 ng gabi naaresto ang apat sa Brgy. Merville na umano’y sentro ng transaksiyon ng ilegal na droga.

Nakilala ang apat na sina Reynaldo Lipata, Jr. alyas J, 37; alyas Edjane, 33; alyas Reymar, 27, dating miyembro ng Philippine Air Force (PAF); at alyas Mark Anthony, 25.

Nasamsam ng pulisya sa apat ang 225 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,530,000 habang nakuha rin kay alyas J ang isang kalibre .9mm pistol na kargado ng mga bala.

Sasampahan ng mga pulis ng kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) si Lipata habang paglabag din sa R.A 9165 ang ihahain sa tatlo pa niyang kasabwat sa bentahan ng ilegal na droga.