4 pang palengke magbebenta ng P40/kilo rice

Cory Martinez Dec 22, 2024
51 Views

APAT pang palengke sa Metro Manila ang magbebenta ng P40 per kilo ng well-milled na bigas sa ilalim ng Rice-For-All program, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Mas maraming murang bigas ang mabibili simula noong Disyembre 21 sa Larangay Public Market, Dagat Dagatan, Caloocan City; Phase 9 Bagong Silang Market, Caloocan City; Cloverleaf Market, Balintawak, Quezon City; at New Marulas Public Market, Valenzuela City.

Nagsimula ang KADIWA ng Pangulo rice kiosks na magbenta ng P40 kada kilo ng bigas noong Disyembre 21.

Para naman sa P29 per kilo na bigas, binuksan ang mga bagong lokasyon sa Kamuning Market sa Quezon City, Pasay City Public Market at New Las Piñas City Market.

Ang pinakahuling rollout ay kasunod ng pakikipagpulong ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel sa rice traders at importers sa Intercity Industrial Estate sa Bulacan.

Sa ginanap na pulong, inihayag ng mga trader ang kanilang suporta sa Rice-For-All program at pumayag na magbenta ng P40-P45 na presyo sa pamamagitan ng KADIWA ng Pangulo kiosks ng DA.

Bukas ang mga kiosks araw-araw mula alas-4 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi sa buong holiday season at magsasara lang sa Disyembre 24-25 at Disyembre 30 hanggang Enero 1, 2025.

“Ang DA nakikipag-ugnayan sa lider ng mga palengke upang lalo pang mapalawak ang Rice-For-All program kasama na ang plano na magtatag ng mas maraming KADIWA ng Pangilo kiosks sa buong Luzon at kalaunan sa buong bansa,” ani Genevieve Velicaria-Guevarra, Agriculture Assistant Secretary at nangangasiwa sa KADIWA program.