Bangga1

4 tigok sa karambola ng higit 10 sasakyan sa QC

91 Views

NASAWI ang apat na katao habang aabot sa 26 ang sugatan sa naganap na karambola ng mahigit na sampung sasakyan sa Katipunan Fly-over sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

Nadakip sa isang follow up operation ng QCPD ang suspek at driver ng truck na si Richard Mangupag, 45 sa kanyang bahay sa Brgy UP Village, QC.

Patuloy namang ginagamot sa ospital sa lungsod ang mga nasugatang biktima.

Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District District Traffic Enforcement Unit Traffic Sector 3, nangyari ang aksidente bandang alas 6:55 ng gabi sa Katipunan Avenue/Aurora Fly-over.

Galing Col. Bonny Serrano si Mangupag patungo ng C.P. Garcia Avenue nang mawalan umano ng preno ang minamaneho nitong wingvan na may plakang RJK 719 habang pababa ng flyover.

Bunsod nito, inararo ng truck ang nasa 16 na mga motorsiklo at limang kotse sa kanyang unahan at nagresulta sa karambola.

Ayon sa pahinante, bigla na lamang silang nakarinig ng pagsabog hanggang sa mabangga ang mga biktima.

Dahil sa takot tumakas ang driver ng truck.

Sa isang panayam ay humingi ng tawad ang driver ng truck at sinabi na nawalan umano ng preno ang kanyang minamanehong truck kung kaya’t bumangga ito sa isang van, na ikinasangkot ng iba pang mga sasakyang katabi nito.

Iniimbestigahan din ng pulisya ang report na nakikipagkarerahan ang driver sa ibang truck hanggang sa hindi na makontrol ang pakanan at natumbok na ang mga sasakyan.

Inihahanda na ang mga kasong Reckless imprudence resulting in Multiple Damage to Property with Multiple physical injuries at multiple homicide laban sa driver.