400 ‘MULTO’  TUMANGGAP NG CONFI PERA

27 Views

Gaya ni Mary Grace Piattos: Mahigit 400 pangalan na ginamit sa secret funds walang rekord sa PSA

Mahigit 400 pangalan na inilista na nakatanggap ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte ang walang rekord sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ito ang sinabi ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairman at Manila 3rd District Rep. Joel Chua sa pagdinig ngayong Lunes kaugnay ng paggamit ng confidential fund ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd).

“Tayo po ay sumulat upang isumite ang 677 pang pangalan na nakalagay sa acknowledgment receipts (ARs) ng DepEd kung saan tayo po ay binigyan ng tugon ng [PSA], dated December 8, 2024,” sabi ni Chua.

“At dito, kanila pong sinasabi na out of 677 individuals, 405 ay walang birth certificate o walang record of birth o pwede nating sabihin na non-existent,” dagdag pa ng solon.

Ayon pa sa ulat ng PSA na pirmado ni National Statistician at Civil Registrar General Claire Dennis Mapa, sa 677, 445 ang walang marriage certificates, at 508 ang walang death certificates.

Ang ilang pangalan na isinumite ng komite ay kailangang isailalim sa berepikasyon dahil mayroon umano itong mga matching records sa civil registry, ayon sa PSA.

Iniimbestigahan ng komite ni Chua ang iregularidad sa paggamit umano ng P500 milyong confidential fund ng OVP at P112.5 milyong confidential fund ng DepEd na ginastos noong 2022 at 2023.

Hiniling ng komite na berepikahin ang mga pangalan na nasa acknowledgment receipt (AR) ng confidential funds matapos na sabihin ng PSA na walang rekord sa kanila si “Mary Grace Piattos,” na nakakuha sa atensyon ng mga kongresista dahil katunog ito ng pangalan ng isang restaurant at brand ng potato chips.

Ayon sa mga mambabatas ang ulat ng PSA ay nagpapatibay sa paniniwala na mayroong scheme na ginagamit sa pag-abuso sa paggastos ng confidential funds.

Ang pangalan na “Kokoy Villamin” ay lumabas naman sa AR na isinumite ng OVP at DepEd. Bagamat pareho ang nakasulat na pangalan magkaiba naman ang penmanship at pirma na ginamit.