UniTeam Kasama ni Lakas-CMD vice presidential candidate, Davao City Mayor Sara Duterte (kanan) sina Lakas-CMD President at House Majority Leader Martin Romualdez (kaliwa) at Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez (gitna) habang nakikinig sa talumpati ni UniTeam presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Quezon Convention Center sa Lucena City. Kuha ni VER NOVENO

400K boto sa Quezon ilalamang ng BBM-Sara tandem sa mga kalaban

285 Views

KUMPIYANSA si Quezon Gov. Danilo Suarez na aabot sa 400,000 boto ang kalamangan nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte sa kanilang mga kalaban sa kanyang lalawigan.

Ito ang sinabi ni Suarez matapos na dumugin ng may 12,000 katao ang Tiaong Convention Center kung saan nagsagawa ng mini-rally ang UniTeam.

“Siguro mga 300,000 to 400,000 kayang ilamang ni BBM, Bongbong-Sara. Malaki, malaki. I assure you this will be an unprecedented election,” sabi ni Suarez.

Sinabi ni Suarez na sa tagal nito sa pulitika ay nararamdaman na nito kung gusto ng tao ang isang kandidato.

“Matagal na ako sa politika basta’t kung ano man ang kanilang, tulad nito, unprecedented ito. Buhay na buhay ang crowd di ba?” dagdag pa ni Suarez.

Nakikita rin umano ni Suarez ang sinseridad ni Marcos na makapaglingkod sa bayan at matulungan ang mga Pilipino.

Bukod sa mini-rally sa Tiaong pumunta rin si Duterte sa Sariaya Sports Complex kung saan sinalubong ito ng mahigit 7,000 kababaihan. Ang pagtitipon ay inorganisa ng Women For Sara (W4S).