Crising

44 paliparan nasa alert level dahil kay ‘Crising’

Jun I Legaspi Jul 17, 2025
320 Views

ITINAAS na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang alert level sa lahat ng 44 na paliparang nasa ilalim ng pamamahala nito kasabay ng paglapit ng Bagyong Crising sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Huwebes, Hulyo 17, 2025.

Inatasan ni CAAP Director General Lt. Gen. Raul del Rosario (Ret.) ang lahat ng area at airport managers sa mga posibleng maapektuhang rehiyon na agad ipatupad ang kani-kanilang Airport Emergency Plans (AEPs) at makipag-ugnayan sa mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Councils (DRRMCs), airline operators, at iba pang stakeholders sa paliparan upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, seguridad ng mga pasilidad, at tuloy-tuloy na operasyon ng mga paliparan.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Transporation Secretary Vince Dizon na tiyaking ligtas ang publiko at hindi mapuputol ang mga serbisyo sa transportasyon sa kabila ng masamang panahon.

Ang Bicol region, na inaasahang direktang tatamaan ng Tropical Depression Crising, ay nagsimula na ng mga kinakailangang paghahanda, lalo na sa mga paliparan sa Bicol (Legazpi), Naga, Virac, at Masbate.

Ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bahagyang lumakas ang Bagyong Crising habang patuloy itong kumikilos pahilagang-kanluran sa bahagi ng karagatang silangan ng Bicol region.

Sa kabila ng umiiral na sama ng panahon, nananatiling bukas at operational ang lahat ng paliparan sa Bicol region. Gayunpaman, may mga sumusunod na kanseladong biyahe:

• DG-6171: Clark (CRK) – Masbate (MBT)

• DG-6172: Masbate (MBT) – Clark (CRK)

Pinapayuhan ang 109 na apektadong pasahero na makipag-ugnayan sa kanilang airline para sa mga opsyon sa rebooking o pag-refund ng kanilang tiket.

Muling pinagtitibay ng CAAP ang kanilang pangako sa kahandaan at katatagan ng lahat ng paliparang nasa kanilang pamamahala. Patuloy ang pagtutok ng ahensya sa pagpapanatili ng ligtas na operasyon ng air travel, habang inuuna ang kaligtasan at kapakanan ng publiko.