Lopez

4Ps beneficiary nag-top sa Civil Engineer licensure exam

167 Views

ISANG benepisyaryo ng Pantawid sa Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nanguna sa 2023 Civil Engineer Licensure Examination.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) si Engr. Alexis Castillo Alegado ay nakakuha ng 92.10 porsyento sa licensure exam at nagtapos na Cum Laude sa Mariano Marcos State University (MMSU) sa Batac, Ilocos Norte.

Ang pangunguna ni Alegado, ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez ay isang patunay na epektibong investment sa human capital ang 4Ps.

“Patunay po ang tagumpay ni Engr. Alexis Alegado na ang ating 4Ps ay napakahalaga sa bawat pamilyang Pilipino para mapagtapos sa kolehiyo ang kanilang mga anak na siyang makakatulong para sa pag-angat mula sa kahirapan,” ani Asst. Secretary Lopez.

Batay sa paunang ulat ng DSWD Field Office 1, si Alegado ay student-beneficiary rin ng Expanded Student’s Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) program na nagbigay-daan upang siya ay otomatikong magkuwalipika sa Tertiary Education Subsidy (TES) sa ilalim ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Ang mga benepisyaryo ng ESGP-PA ay pinipili mula sa listahan ng mga pamilyang kasama sa 4Ps.

Sa ilalim ng TES, ang mga ESGP-PA grantee ay nakatatanggap ng allowance para sa libro at school supply, pamasahe, renta, at pagbili ng personal computer o laptop at iba pang gastusin para sa pag-aaral.

Kasamang pumasa ni Alegado ang 32 sa 77 kumuha ng nabanggit na pagsusulit mula sa MMSU noong Abril 23 hanggang 24.

Ang MMSU ay nakapagtala ng 41.56 porsyentong passing rate na mas mataas sa 34.76 porsyentong national passing rate. Sa 16,936 na kumuha ng pagsusulit 5,887 ang pumasa.