Holdap

5 dayuhang dating POGO workers na nangholdap sa Chinese national kinasuhan na ng pulisya

Edd Reyes Jan 5, 2025
30 Views

SINAMPAHAN na ng patong-patong na kaso ng pulisya ang limang dayuhang dating kawani ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) na tumangay sa malaking halaga ng alahas at salapi sa isang negosyanteng Chinese national sa Makati City.

Sa ulat na nakarating kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Manuel Abrugena, apat sa mga dayuhan ay pawang mga Chinese national, habang ang isa ay Malaysian national na isa-isang nadakip sa ginawang follow-up operation ng pinagsanib na puwersa ng Makati Police at operatiba ng SPD.

Dalawa sa mga dayuhan ay nadakip sa lalawigan ng Pampanga, habang ang tatlo ay isa-isang nadampot sa magkakahiwalay na lugar sa siyudad ng Makati at Taguig.

Napagalaman na bago naganap ang insidente ng pagnanakaw, kinupkop ng biktimang Chinese national ang dalawa sa mga suspek na kanyang kababayan sa kanyang tirahan sa Brgy. San Antonio, kasama ang 31-anyos na utak sa krimen, matapos mawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng lahat ng POGO sa bansa, batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Nitong Disyembre 30, 2024, pinapasok ng dalawa ang tatlong kasabuwat na pawang armado na ng baril sa bahay at ni-ransack ang mga personal na gamit ng biktima, kabilang ang 20 units ng iPhone at Android phone, gintong kuwintas, relos at bracelet, laptop, iWatch SE2 at P46,000 cash, matapos tutukan ng baril, posasan at piringan ang kababayan.

Tumakas ang mga suspek na tangay pa ang sasakyang Nexus ng biktima na nagkakahalaga ng P5.5 milyon na kalaunan ay nabawi ng pulisya sa isang parking lot sa Bonifacio Global Cty sa Taguig, pati na ang ilang personal na gamit na kanilang tinangay.

Mga kasong robbery, holdup, carnapping at paglabag sa Republic Act 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, ang isinampa ng pulisya laban sa mga suspek sa Makati City Prosecutor’s Office.