Calendar
5 estudyante pinaulanan ng bala; namaril arestado
NATIMBOG ang isang lalaki na nagpaulan ng bala sa limang estudyante na ikinasugat ng isa sa Valenzuela City.
Positibo ang suspek na si alyas Piko na siyang namaril sa limang biktima noong Huwebes ng gabi kasama ang dalawa pang hindi pa nakikilala, ayon sa mga biktima.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, nagkukuwentuhan sina alyas Ayong, 15; Boying, 17; Caloy, 19; Dadong, 16; at Egoy, 13, sa San Simon Angeles Ext., Brgy. Gen. T. De Leon dakong alas-10:56 ng umaga ng dumating ang suspek kasama ang dalawa pa.
Bumunot ng baril si Piko at dalawang beses pinaputukan si alyas Boying na kanyang target patayin pero hindi tinamaan ang biktima.
Dito na nagpulasan ng takbo ang mga biktima subalit pinaulanan sila ng bala ng suspek hanggang tamaan si alyas Ayong sa puwitan.
Nakahingi ng tulong ang mga biktima sa mga tauhan na barangay na nagdala kay Ayong sa Valenzuela Medical Center bago nila ini-report sa pulisya ang pangyayari.
Iniutos ni Col. Cayaban sa mga tauhan ang pagtugis sa suspek na nagresulta sa pagkakadakip kay Piko sa Brgy. Parada subalit hindi nabawi ang ginamit na baril.
Tinutugis pa ang dalawa niyang kasama, ayon sa mga pulis.