Calendar

6 sa 17 PH tripulante sa MV Magic Seas nasa PH na
ANIM sa 17 Pilipinong tripulante ng nasadlak na MV Magic Seas ay ligtas nang nakauwi matapos dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sa Pasay City at Clark International Airport sa Pampanga nitong Hulyo 11.
Dumating ang tatlong seafarer sa NAIA bandang 4:30 ng hapon sakay ng flight PR685 at agad na sinalubong ng whole-of-government team na pinangungunahan ng Department of Migrant Workers (DMW) Assistant Secretary Francis Ron De Guzman, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Ryan Vincent Uy, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at MIAA Medical Team.
Kabilang sa dumating sa NAIA ay ang chief officer, 2nd officer, at 3rd officer ng barko. Samantala, tatlo pang tripulante, karamihan ay mga engineer, ay lumapag sa Clark International Airport bandang 4pm.
Binigyan ang mga seafarer ng tulong-pinansyal na ₱75,000 mula sa DMW AKSYON Fund at OWWA Emergency Repatriation Fund. Nagbigay rin ang DSWD ng ₱10,000 bawat isa, at agad namang isinailalim sa health check-up ng MIAA Medical Team ang mga marino.
Tiniyak ni Assistant Secretary De Guzman na sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sisiguraduhin ng pamahalaan ang reintegrasyon ng mga marino at ang patuloy na pagbibigay ng tulong.
Inamin ng chief officer ng barko na bagama’t sila ay nabigla sa naranasang sakuna, lubos pa rin silang nagpapasalamat sa tulong mula sa administrasyon ni Pangulong Marcos.
Binigyan rin ng OWWA ng pansamantalang hotel accommodation at transportasyon ang mga marino upang matiyak ang kanilang ligtas na pagbabalik sa kani-kanilang pamilya at komunidad.