NBI Director Jaime Santiago Nagbigay ng pahayag si NBI Director Jaime Santiago kaugnay sa sumukong 7 katao na hinihinalang kasama ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

7 ‘kasabwat’ sa ‘bogus’ na kompanya ni Guo sumuko

Jon-jon Reyes Sep 23, 2024
84 Views

SUMUKO ang pitong tao na hinihinalang ka-connive ng tinanggal na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Lunes.

Sumuko ang lima sa NBI Central Luzon habang dalawa ang sumuko sa NBI Task Force Alice Guo, ayon kay NBI chief Jaime Santiago.

“Sila ang lumalabas na mga responsible doon sa Hongsheng incorporators at sa Zun Yuan incorporators. Lahat ito masasabi nating mga bogus corporation ni Alice Guo,” ayon kay Santiago.

Naglabas ng warrant of arrest ang Pasig Regional Trial Court Branch 167 laban sa sa mga kapwa akusado ni Guo sa qualified trafficking case.

“Lahat ang claim nila nagamit lang sila. Sabi ko nga sa inyo, ‘yung allegations na ‘yun, justification nila sa sarili nila, malalabas ‘yan during trial,” sabi ni Santiago.

Sinabi ng isa sa mga sumuko na legal ang negosyo nang masangkot sila.

Idinagdag ng isa na siya mismo ang dating nakikipag-ugnayan sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

“Yun pong mga documentations and everything, communications ng Zun Yuan Technology ako po ay direktang nakikipag-usap sa kanila at ako rin po ang tumatanggap.

So there’s no way na sasabihin na kami po ay bogus o ako ay bogus,” sabi ng isa sa mga sumuko.

Nauna rito, inilipat na si Guo sa Pasig City Jail Female Dormitory mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City

Si Guo ay nahaharap din sa kasong graft at money laundering.

Nagbigay ng pahayag si NBI Director Jaime Santiago kaugnay sa sumukong 7 katao na hinihinalang kasama ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.