Dancer Screen grab mula FB video

70 dancers na-dehydrate, hinimatay dahil sa matinding init

Zaida Delos Reyes Apr 26, 2024
162 Views

AABOT sa 70 tao na karamihan ay mga street dancers ang nahimatay dahil sa dehydration at pagkakabilad sa matinding sikat ng araw sa gitna ng dance competition para sa Pakol Festival nitong Huwebes sa Santa Catalina, Negros Oriental.

Batay sa ulat ng Santa Catalina Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, ang kumpetisyon ay nagsimula dakong alas-2 ng hapon kung saan umabot sa 40 hanggang 41 degrees Celsius ang heat index sa lugar.

Bukod sa mga dancers ay may mga nanonood din ang hinimatay dahil sa sobrang init.

Karamihan sa mga nahimatay na dancers ay mula sa Barangay Poblacion 1 at ang huling kalahok sa kumpetisyon.

Bukod sa labis na init ng panahon, posibleng dahilan din ng pagkahimatay ng mga biktima ang masikip na costume, mabigat na props sa katawan at ang pagsisiksikan ng mga manonood sa lugar.

Napag-alaman na simula alas-11 ng tanghali ay nasa venue na ang mga dancers at naghihintay ng kanilang oras para ipakita ang kanilang galing sa pagsasayaw.

Agad namang nabigyan ng tulong ang mga biktima ng mga rumespondeng rescuers. Matapos makapagpahinga at makainom ng tubig ay nanumbalik naman ang lakas ng mga dancers at muling itinuloy ang kumpetisyon.