BBM2

72-oras na ceasefire sa Sudan gagamitin para mailikas OFW

212 Views

GAGAMITIN ng gobyerno ang 72-oras na ceasefire sa Sudan upang mailikas ang mga Pilipino na naroroon.

Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pakikipagpulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND) kung saan napag-usapan ang gera sa Sudan.

“Right now, we are hoping that the 72-hour ceasefire that has been declared will hold and we will — we are preparing ourselves,” ani Pangulong Marcos.

“So we’re trying — we’re watching this situation very, very closely and to see if there’s a window of opportunity na mailabas natin ang mga Philippine nationals natin,” sabi ni Marcos.

Ayon kay Pangulong Marcos si Migrant Workers Secretary Susan Ople ay pupunta sa rehiyon bilang paghahanda sa inaasahang implementasyon ng ceasefire upang mailabas ang mga taong naiipit sa gera.

“Mailabas natin ang mga tao natin. So that’s what we’re working on now. Ang mahirap is that even the land routes are not completely safe. As yet, ‘yung mga airport binomba pa, hindi talaga magamit. So we are still trying to find alternative ways,” dagdag pa ni Pangulong Marcos.

Tinitignan ng gobyerno ang posibilidad na ilikas ang mga Pilipinong nasa Sudan sa Saudi Arabia at Djibouti sa East Africa bukod sa orihinal na plano na sa Cairo, Egypt.