Arestado

8 na may warrant of arrest kaugnay ng flood control projects nasa kustodiya na ng gobyerno

466 Views

WALO sa mga nasasakdal sa kaso ng anomalya sa P289.5 milyong flood control project sa Oriental Mindoro ay nasa kustodiya na ng pamahalaan ― sina Gerald Pacanan, Gene Ryan Altea, Ruben Santos, Dominic Serrano, Felisardo Casuno, Juliet Calvo, Lerma Cayco at Dennis Abagon.

Walong indibidwal pa ang may nakabinbing arrest warrant ― sina Zaldy Co, Timojen Sacar, Montrexis Tamayo, Aderma Angelie Alcazar, Cesar Buenaventura, Consuelo Aldon, Noel Cao at Anthony Ngo.

Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na, maliban kay Co, ilan sa mga akusado na pinaniniwalaang nasa ibang bansa ay nakipag-ugnayan na sa mga awtoridad ng Pilipinas at inaasahang pupunta sa pinakamalapit na embahada para sa agarang repatriation. Kusang ibinahagi nila ang kanilang kinaroroonan at ipinaalam sa kanila ang karapatang magpakita sa embahada sa lalong madaling panahon.

Nanawagan ang DILG para sa agarang pagsuko ng mga indibidwal na patuloy na umiiwas sa pag-aresto.

Hinimok ni Remulla ang mga akusado na may nakabinbing arrest warrant na agad na sumuko sa pinakamalapit na awtoridad. Binigyang-diin niya na ang pagsuko ang pinakamapanagutang hakbang para sa kanilang pamilya at para sa bayan.

Nagbabala rin si Remulla na sinumang magtatangkang magkubli o tumulong sa mga akusado ay haharap sa legal na kaparusahan.

Ipinaalala niya sa publiko na ang paghadlang sa pagpapatupad ng mga legal na kautusan ay may kaparusahan sa ilalim ng umiiral na batas.

“To those who plan on helping them hide, remember that you will also be held accountable somehow,” ani Remulla sa press conference sa Camp Crame.

“Sa lahat po ng magkukupkop sa mga may kaso ay magkakakaso din. ‘Yan po ang instruction ng ating Pangulo,” aniya. “Ito po ang ating warning sa lahat ng gustong itago ang mga ito, they will face charges. Our best advice for those who have warrants is surrender as soon as possible, surrender to the nearest authorities, the nearest police station kasi if we go on a manhunt after you, we cannot guarantee the result.”

Sa parehong press briefing, ipinakita ng mga opisyal ang mug shots ng mga naarestong sina Abagon, OIC chief ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 4B Quality Assurance and Hydrology Division at miyembro ng Bids and Awards Committee; Pacanan, DPWH 4B regional director; Altea, DPWH Region 4B assistant regional director at kasalukuyang DPWH Bureau of Maintenance director; Santos, assistant regional director; Serrano, DPWH 4B Construction Division chief; Calvo, DPWH 4B Maintenance Division chief; Casuno, Project Engineer III; at Cayco, DPWH 4B Bids and Awards Committee Account 4 officer.

Ayon kay acting Philippine National Police (PNP) Chief Jose Melencio Nartatez Jr., lahat maliban kay Abagon ay nasa kustodiya ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pinamumunuan ni Maj. Gen. Robert Alexander Morico II.

Sumuko si Pacanan sa CIDG habang ang anim ay naaresto sa follow-up operations noong nakaraang linggo. Si Abagon naman ay inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang bahay sa Quezon City noong Linggo.

Bago ito, inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may arrest warrant laban kay dating House Appropriations Committee Chair Zaldy Co ng Ako Bicol party-list at 15 pang kasabuwat na inisyu ng Sandiganbayan noong Biyernes.

Nahaharap ang 16 na akusado sa paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at malversation of public funds sa pamamagitan ng falsification of public documents kaugnay ng P289.5 milyong road dike project sa Oriental Mindoro.

Mga akusadong at large

Kabilang sa iba pang akusado ang mga opisyal ng DPWH 4B at mga executive ng Sunwest Corporation, ang kumpanyang konektado kay Co.

Sinabi ni Remulla na nananatiling at large si Co at huling na-monitor sa Japan. “We believe he is traveling with another passport. We do not know if he is using another name, so bine-verify pa namin,” aniya.

“The Interpol (International Criminal Police Organization) Blue Notice is out. Now that we have the arrest warrant, the Red Notice can be out and we will further determine kung nasaan talaga siya,” dagdag niya.

Ang Blue Notice ay para makakuha ng karagdagang impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan, lokasyon o aktibidad ng isang pugante.

Ang Red Notice ay nagbibigay ng awtoridad sa host-country na hanapin at arestuhin ang pugante bago ito i-deport sa bansang humiling.

Ayon kay Remulla, tatlong iba pang suspek na nasa abroad ay sina Aderma Angelie D. Alcazar, Sunwest president at chairperson ng board of directors, na nasa New Zealand; Cesar X. Buenaventura, Sunwest treasurer at board member, na nasa United States; at Montrexis T. Tamayo, DPWH 4B OIC-chief planning and design, na nasa Jordan.

“Save for Zaldy Co, the other members believed to be abroad have made contact with our law enforcement agencies and are expected to show up at the embassy and begin immediate repatriation towards the Philippines,” sinabi ni Remulla.

“They have done so voluntarily, informing us of their whereabouts and we informed them of their right to proceed immediately to the embassy as soon as possible,” saad pa niya.

Ang iba pang akusado na at large ay sina Timojen Adiong Sacar, DPWH 4B material engineer; Conseulo Dayto Aldon, Sunwest board member; Engr. Noel Yap Cao, Sunwest board member; at Anthony L. Ngo, Sunwest board member.

Wala si Sacar nang isilbi ng mga miyembro ng Quezon City Police District ang kanyang arrest warrant sa bahay niya sa Barangay Pinyahan. Si Ngo ay hindi na rin nakatira sa huling address niya sa Quezon City.

Binigyang-diin ni Remulla na hindi titigil ang mga ahensiya ng batas hangga’t hindi naihaharap sa hukuman ang lahat ng nasasakdal.

Ayon sa kanya, walang distansiya ang makapipigil sa batas na abutin ang mga akusado. Idiniin niya na ang sinumang nananatiling malaya ay matatagpuan, at ang pagtatago ― maging sa ibang bansa o sa Pilipinas ― ay hindi makapipigil sa pagpapatupad ng mga legal na kautusan.

“No matter where you are in the world we will find you. If you are at large, we will find you. If you are hiding in the Philippines, we will find you,” ani Remulla.

Ang direktiba ay alinsunod sa malinaw na utos ni Pangulong Marcos na ipatupad ang mga warrant of arrest nang walang pagkaantala at tiyakin ang ganap na pananagutan.

Kasama ng DILG sa pagpapatibay ng pangako ng administrasyon sa pananagutan sina Nartatez, DPWH Secretary Vince Dizon, acting Justice Secretary Fredderick Vida at NBI OIC-Director Angelito Magno.

Ayon kay Dizon, simula pa lamang ito. “Narinig po natin ang sinabi ng ating Panuglo kaninang umaga. Umpisa pa lang ito at nasa puntong mananagot ang lahat ng dapat managot. Marami pa pong parating na kaso, maraming makakasuhan and maaaresto, just wait for ilang buwan, madadagdagan pa,” aniya sa prescon.

Muling iginiit ng DILG na ang maling paggamit ng pondo ng bayan ay hindi kailanman kukunsintihin, at ang hustisya ay ipatutupad nang buo at may katapangan.

Pag-aresto kay Abagon sa QC

Samantala, sinabi ni Magno na inaresto si Abagon sa Sikatuna Village, Quezon City, matapos mabigo ang pulis na ma-serve ang warrant sa kanyang huling address sa Cavite.

Dalawang kasambahay sa bahay na pinaniniwalaang pag-aari ng isang politiko sa Mindoro ay kinuha rin sa kustodiya.

“Reports were made that the house where he was arrested is allegedly owned by the vice mayor of Bansud, Oriental Mindoro. We are still verifying the authenticity of this information,” aniya.

Sinabi ni Remulla na hahabulin nila ang mga indibidwal na nagkakanlong sa mga akusado.

“We have determined that he (vice mayor) is the owner of the property. Ang dine-determine lang namin kung ano ang nature ng kanyang stay sa lugar na iyan. So, until we determine kung he was renting or he was being hidden, wala pa kaming definite statement kung ano ang status ng kanyang investigation,” aniya.

Dinepensahan din ni Remulla ang pagbasag ng pinto ng mga armadong NBI agents gamit ang battering ram.

“Standard operating procedure talaga iyan. If they refuse to open the door, then the arrest warrant gives them the power to forcibly break open the door,” aniya. Nina JUN I. LEGASPI & ALFRED DALIZON