NHA NHA General Manager Joeben Tai.

85 QC residents nakatanggap ng CLOA sa NHA

Jun I Legaspi Mar 2, 2025
17 Views

KUMILOS ang National Housing Authority (NHA) upang matiyak ang pagmamay-ari ng lupa para sa mga miyembro ng Lakatan Bayanihan Dolor Estate Homeowners Association sa pamamagitan ng paggawad ng 85 Certificate of Lot Allocation (CLOA).

Natanggap ng mga benepisyaryo ang kanilang mga sertipiko sa harap ni NCR East Sector Officer-in-Charge Monn Alexander Ong na kumatawan kay NHA General Manager Joeben Tai.

Isa sa mga benepisyaryo, si Rene Cornita, nagpasalamat sa lot allocation na aniya isang hakbang patungo sa seguridad ng kanyang pamilya na magkaroon ng tahanan.

“Sobrang saya po kasi isa ako sa mga awardee ng NHA at nabiyayaan ng Certificate of Lot Allocation. Wala na masyadong kaba sa kinatitirikan ng aming munting tahanan,” sabi ng nakatanggap.

Ang Dolor Estate Socialized Housing Project bahagi ng Settlements Upgrading Program ng NHA na naglalayong magbigay ng seguridad sa paninirahan at pagbutihin ang imprastraktura sa mga informal settlements na matatagpuan sa mga lupang pag-aari ng gobyerno na inilaan para sa pabahay.

Ang 5,400-sq. m. na lupa sa Lakatan St., Brgy. Batasan Hills, Quezon City nakuha ng NHA noong 1989.