Calendar
90-day suspension sa rehistro ng truck sa Katipunan accident inutos ng LTO
INIUTOS ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang 90-araw na suspensyon ng rehistro ng trak na nasangkot sa aksidente sa Katipunan flyover sa Quezon City na ikinasawi ng apat at ikinasugat ng 25 iba pa.
Ang kautusan ni Assec Mendoza resulta ng imbestigasyon na nagpakita na ang Isuzu Wing Van Truck (RJK 719) may problema sa pagiging roadworthy.
“Natuklasan namin sa imbestigasyon na ang nakarehistrong engine number ng trak iba sa engine number na nakita ng North Motor Vehicle Inspection Center (NMVIC) team.
Pinatutunayan nito na ang nasabing sasakyan hindi angkop na patakbuhin,” ayon kay Mendoza.
Napag-alaman na maraming beses na nahuli ang trak dahil sa overloading mula 2021 hanggang 2023.
Dahil sa mga natuklasang rekord ng paglabag sa trapiko at hindi tugmang rehistro, iniutos din ng opisyal ang pagkumpiska ng plaka ng trak.
Nang mangyari ang aksidente sa Katipunan, naglabas ang LTO ng Show Cause Order (SCO) laban sa driver ng trak na nakilalang si Richard Mangupag.
Natuklasan sa imbestigasyon na ang trak nakarehistro sa kompanyang gumagawa ng asukal.
Personal na pinangunahan ni Assec Mendoza ang imbestigasyon sa unang pagdinig, kung saan nabigong magbigay ng malinaw na sagot ang mga kinatawan ng kumpanya ukol sa roadworthiness ng mga trak, partikular na ang trak na nasangkot sa aksidente.