Calendar
90-day suspensyon ni Romualdez, hindi ibig sabihin na guilty na sa pagkakasala ang dating House Speaker
BINIGYANG-DIIN ng kampo ni dating House Speaker at kasalukuyang Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ng Leyte nitong Miyerkules na ang ipinataw sa kanya na 90-araw na preventive suspension ay hindi nangangahulugang napatunayan na siyang nagkasala.
Ayon sa kanyang kampo, kinilala mismo ng Sandiganbayan na ang umano’y pagkakasangkot ni Romualdez sa kasong plunder at pagtanggap ng sinasabing kickback o komisyon ay mga bagay na kailangan pang patunayan sa paglilitis.
Sinabi ni Atty. Ade Fajardo, abogado ni Romualdez, na ang resolusyong inilabas noong Nobyembre 10 ay tumukoy lamang sa legal na sapat na batayan ng criminal Information o pormal na sakdal, at sa pagiging mandatoryo ng preventive suspension alinsunod sa batas.
“Hindi pa hinahatulan ng korte na nagkasala si Martin sa kasong plunder. Hindi rin nito napapatunayan na nakatanggap siya kahit isang piso mula sa ilegal na komisyon o kickback,” pahayag ni Fajardo.
Sa resolusyon ng Third Division ng Sandiganbayan, malinaw na nakasaad na ang mga partikular na kilos na iniuugnay kay Romualdez, ang antas ng kanyang umano’y pakikilahok, at ang mga partikular na transaksyong pinagmulan umano ng kanyang pagtanggap ng kickback o komisyon ay mga bagay na kailangan pang linawin at patunayan sa panahon ng paglilitis.
Binigyang-diin ni Fajardo na hindi dapat ituring na patunay ng mga paratang ang desisyon ng korte hinggil sa legal na bisa ng Information.
“Ang paratang ay hindi ebidensya. Ang isang balidong Information ay hindi nangangahulugang nahatulan na ang isang tao. Kailangan pa ring patunayan ng prosekusyon ang kanilang kaso nang lampas sa makatwirang pagdududa,” ani Fajardo.
Itinuro rin ng depensa na kasalukuyan nang nakakulong si Romualdez at hindi na niya nagagamit ang mga karaniwang kapangyarihan at tungkulin ng kanyang tanggapan bilang kongresista.
Bagama’t nagpasya ang Sandiganbayan na nananatiling mandatoryo ang preventive suspension sa kabila ng pagkakakulong ni Romualdez, wala namang partikular na natuklasan ang korte na siya ay nanakot ng mga testigo, nangialam sa mga ebidensya o humadlang sa takbo ng paglilitis.
Sinabi ni Fajardo na iginagalang ni Romualdez ang desisyon ng korte at pag-aaralan ang mga legal na hakbang na maaari niyang gawin habang patuloy na ipinaglalaban ang kanyang kawalang-kasalanan.
“Ang suspensyon ay hindi hatol ng pagkakasala. Mismong ang korte ang nagsabing kailangan pang patunayan ang mga paratang. Hindi sapat ang akusasyon—kailangan ng ebidensya,” ani Fajardo.
Muli niyang iginiit na nananatili sa panig ng prosekusyon ang responsibilidad na patunayan ang lahat ng mga paratang laban sa dating House Speaker.

