Calendar
Larawan: PAGASA/FB
PAGASA naka- monitor sa sama ng panahon sa labas ng PAR
PATULOY na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang tropical depression na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Huwebes, Oktubre 15.
Batay sa ulat ng PAGASA alas-8 ng umaga, namataan ang sama ng panahon sa layong 1,950 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging 45 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 55 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Ayon sa 24-hour tropical cyclone formation outlook, hindi inaasahang magiging tropical cyclone ang sistema sa loob ng susunod na 24 oras.
Samantala, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Mindanao, Bicol Region, Quezon at Palawan dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ). Posible ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makakaranas ng katamtaman hanggang malakas na ulan.
Inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong mahinang pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley at Central Luzon dahil sa northeasterly windflow. Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, posible ang panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.
Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na ulat-panahon at mag-ingat sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na makakaranas ng malalakas na pag-ulan.

