Gatchalian

2,874 natanggap sa job fair ni Gatchalian

37 Views

UMABOT sa 2,874 job seekers ang natanggap sa trabaho sa 23 job fairs na inorganisa ng tanggapan ni Senate President Sherwin Gatchalian.

Dumalo sa mga job fairs ang 12,166 aplikante at marami ang dumadaan sa proseso para matanggap sa trabaho.

“Importante na magkaroon ng maayos na trabaho ang ating mga kababayan. Hindi lang dapat ayuda ang ibinibigay ng gobyerno kundi ang pagkakataon na makapaghanap buhay sila ng maayos,” ani Gatchalian.

Isinagawa ang mga job fair sa 10 lungsod at isang bayan sa Metro Manila; San Fernando City sa Pampanga; Calbayog City sa Samar; at Tacloban City at Ormoc City sa Leyte katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at mga lokal na pamahalaan.

Binanggit ni Gatchalian ang 5.3 porsiyentong unemployment rate ng bansa noong Agosto.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ito mula sa 6.0 porsiyento noong Hulyo pero mas mataas sa 3.9 porsiyento noong Agosto 2025.

Tinatayang 2.77 milyong Pilipino ang walang trabaho noong Agosto.

Magsasagawa pa ng mga job fairs sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sa mga susunod na buwan, ayon kay Gatchalian.

“Simple lang ang layunin natin. Gusto nating magkaroon ng pagkakataon ang mga kwalipikadong jobseekers na magkaroon ng maayos at regular na trabaho,” dagdag niya.