Isko

Yorme Isko, VM Atienza nanguna sa inagurasyon ng 1st EV charging station sa Manila city hall

Edd Reyes Oct 19, 2026
43 Views

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang inagurasyon ng unang charging station ng pampublikong electric vehicle (EV) Lunes ng umaga sa Kartilya ng Katipunan.

Kasama rin sa seremonya ang mga opisyal ang kompanyang ACMobility, ang sangay na namamahala sa mga imprastraktura ng AC Enterprises, bilang katuwang ng lokal na pamahalaan sa paglalagay ng pampublikong charging station para na rin sa likas-kayang paglalakbay na madaling ma-access para sa lahat.

Ang inilagay na charging station ay may 30-kilowatt DC charger at isang 22-kilowatt AC charger para sa mabilis at wastong pamantayan sa sinumang nagmamay-ari ng EV na walang pribadong pasilidad na pagkakargahan ng baterya.

Sinabi ni Mayor Isko Moreno na ang proyekto ay sumasalamin sa pangako ng lokal na pamahalaan na mag-plano ng maaga para sa pangangailangan ng mga motorista sa daratinig na panahon.

“Hindi ka na kakabahan na, baka mamaya, ma-traffic ako, wala akong charging station,” sabi ng alkalde at idinagdag na hindi tulad ng charging station sa mga pribadong establisimiento, ang Manila City Hall charging station ay bukas sa lahat ng nagnanais mag-charge ng kanilang EV.

Nagpasalamat din ang alkalde sa team ng AC Mobility na aniya ay plano pang maglagay ng karagdagang charging stations sa Bagong Ospital ng Maynila at Sta Ana Hospital.