Sara

VP Sara sumama kay Sen. Revilla sa pamimigay ng ayuda sa Cavite

196 Views

SUMAMA si Vice President Sara Duterte noong Linggo kay Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa pamimigay ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyong Paeng sa Cavite.

Nasa 3,000 katao ang nabigyan ng food pack sa bayan ng General Trias at 2,500 naman sa Imus, Cavite.

Sa kanyang mensahe, binigyan-diin ni Duterte ang pangangailangan na mapaghandaan ang pagdating ng mga bagyo.

“Ang aking paalala po sa lahat ng mga kababayan natin, yun pong bagyo hindi na po mawawala sa ating bansa yan. Lagi po yan dadaan, A-Z ang pangalan. Taon-taon dadaan, merong malalakas na bagyo, merong mahina,” sabi ng Ikalawang Pangulo.

Sinabi ni Duterte na dapat gumawa ng mga bahay na kayang humarap sa hamon ng pagbabago ng panahon.

“Dapat po sa paggawa ng ating mga bahay, inaalala natin at pinag-aaralan natin ang tubig-baha at ang posibleng lakas ng hangin na dala ng isang bagyo,” dagdag pa ni Duterte. “Kaya po kapag tayo ay nag-design at nag-iisip kung saan natin ilalagay ang ating mga bahay ay iniisip din natin ang tubig baha, lindol, at hangin dala ng bagyo.”

Binanggit din ni Duterte ang kahalagahan ng pagpili ng tamang lugar kung saan itatayo ang mga bahay.

“Dapat ay maging resilient ang pag-iisip natin kung saan tayo maninirahan at saan tayo maglalagay ng ating mga bahay at kung anong klaseng disenyo ng bahay ang gagawin natin,” dagdag pa nito.

Nagpasalamat naman ang mga residente sa tulong na kanilang natanggap.