Bading

Bading tinaga sa leeg kaalitang kapitbahay na bebot sa Malabon

Edd Reyes Nov 6, 2026
106 Views

Bading1

PINAGTATAGA ng 39-anyos na bading ang bebot na kapitbahay nang makitang naglalakad sa kalsada, kasama ang paslit na anak, noong Huwebes ng umaga sa Malabon City.

Kaagad na isinugod ng kanyang mister ang biktimang si alyas “Sharmaine”, 34, sa Fatima Medical Center sa Valenzuela City kung saan kaagad na nilapatan ng lunas sa mga tinamong tama ng taga sa batok.

Nadakip naman ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang suspek na si alyas “Melad” na kilala rin sa alyas “Eh Eh” dakong alas-1:40 ng hapon nang matunton sa Brgy. Potrero sa tulong ng mga residente at barangay tanod sa lugar.

Nabawi rin ng pulisya sa suspek ang ginamit na mapurol na itak na may bahid pa ng dugo.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, naglalakad ang biktima at paslit na anak sa Doña Juana St. Brgy. Potrero alas-10:15 ng umaga nang sumulpot sa likuran ang suspek na armado ng 13-pulgadang itak at bigla na lang pinagtataga ang biktima sa leeg hanggang sa malugmok sa kalsada.

Personal na alitan umano ang dahilan ng tangkang pagpatay ng suspek sa kapitbahay na nagpahayag pa na hindi niya pinagsisisihan ang ginawa at handa siyang panagutan ang kasong frustrated murder na isasampa ng pulisya laban sa kanya.