Calendar
Mga pasahero dumami sa ilang istasyon dahil s teknikal isyu sa MRT-3
NAGDULOT ng pagdami ng mga pasahero sa ilang istasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang teknikal na aberyang naranasan ng isang tren nitong Biyernes, Nobyembre 6, 2026.
Ayon sa advisory ng Department of Transportation-MRT-3 (DOTr-MRT-3), nagkaroon ng mabigat na daloy ng pasahero sa Taft, Magallanes, at Guadalupe stations, habang katamtaman naman ang volume sa Cubao Station. Naranasan ang aberya ng tren nang umalis ito sa Quezon Avenue Station dakong 5:36 ng umaga.
Naiulat din ang pagsisiksikan ng mga pasahero sa iba pang southbound stations mula GMA-Kamuning Station. Upang tugunan ang dagsa ng commuters, 19 na tren ang kasalukuyang pinatatakbo sa mainline.
Patuloy namang nagpapatupad ang DOTr-MRT-3 ng crowd management measures at maayos na deployment ng mga tren upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga pasahero. Humingi rin ito ng paumanhin sa abalang dulot ng insidente at pinayuhan ang publiko na planuhin ang kanilang biyahe.

