Utang

Tiyahin siningil pamangkin sa P150K utang ng magulang, ‘nagwating’

58 Views

KALABOSO ang isang 36-anyos na babae matapos manggulo at magkulong sa inuupahang condo ng kanyang pamangkin at habang naniningil ng P150,000 utang umano ng mga magulang ng huli sa Barangay Balingasa, Quezon City.

Nangyari ang insidente dakong alas-5:45 ng hapon noong Nobyembre 3 sa isang condominium sa A. Bonifacio Avenue.

Sa paunang imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), humingi ng tulong sa security personnel ang 27-anyos na pamangkin ng suspek matapos magkulong ang tiyahin nito sa kanyang inuupahang unit at manggulo.

Nabatid na hinihingi ng babae ang nasabing halaga bilang bayad umano sa utang ng mga magulang ng kanyang pamangkin.

Agad na humingi ng tulong sa La Loma Police Station ang security personnel matapos ipagbigay-alam ng kanilang supervisor ang insidente.

Pagdating ng mga pulis, nagbanta umanong sasaktan ng babae ang sarili kapag hindi pinagbigyan ang kanyang hinihinging pera.

Nagawa naman ng mga pulis at guwardiya na pakalmahin ang suspek bago ito tuluyang posasan at bitbitin sa presinto.

Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Articles 155 (Alarms and Scandals) at 327 (Malicious Mischief) ng Revised Penal Code na isinampa sa Quezon City Prosecutor’s Office.